PAGSASAAYOS SA DAANANG LUBOG SA TUBIG BAHA SA ISANG BAHAGI POBLACION OESTE, DAGUPAN CITY, IPINANANAWAGAN

Daing ng mga residente sa bahagi ng Sitio Macario, Poblacion Oeste, Dagupan City ang matagal na umano nilang problema sa naiipong tubig sa kanilang daanan dulot ng high tide at pag-uulan.

Una ay nag-aalala umano sila sa kanilang mga anak na nag-aaral lalo at may mga basura pa umano at hindi sigurado ang kalinisan ng tubig na naiipon sa naturang daanan.

Napipilitan ang mga magulang na lumusong sa tubig, buhat-buhat ang mga bata papasok sa eskwela habang pahirapan umano sa kanila ang oras sa pagsusuot pa ng bota imbes na diretso nang makakapunta sa kanilang mga trabaho.

Hinala nila’y puno na umano ng putik ang drainage system na dapat sana’y dadaluyan ng tubig.

Sa tagal din umano ng paghupa ng tubig ay dumudulas na rin umano ang kalsada kaya’t pangamba rin nila ang maaaring maidulot nitong aksidente sa bata man o matanda.

Nagbibigay naman umano ang barangay ng gamot kontra leptospirosis ngunit mas mainam umano kung ang mismong daanan na ang maisaayos.

Inilapit na rin umano ito ng opisyales ng barangay sa lokal na pamahalaan at ngayon ay kinakailangan na lang ng sapat na pondo upang ito’y maumpisahan.

Nakatakda naman na makipag-ugnayan ngayong araw ang IFM News Dagupan sa tugon ng punong barangay ukol sa naturang panawagan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments