Pagsasabatas ng Assistance to Individuals in Crisis Situation Program ng DSWD, isinulong sa Kamara

Isinulong nina TINGOG Party-list Rep. Yedda Marie Romualdez at Rep. Jude Acidre na maisabatas ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Nakapaloob ito sa inihain nilang House Bill number 1940 na layuning gawing permanente ang nabanggit na programa ng DSWD na nagbibigay ng tulong sa mga mahihirap na indibidual o pamilya sa bansa.

Nakapaloob sa panukala ang pagbibigay ng quarterly medical assistance na nagkakahalaga ng P1,000 hanggang P150,000 sa mga indibidwal o pamilyang mahihirap, vulnerable, disadvantaged, o kaya’y mga nasa crisis situation.


Layunin nitong matulungan ang mga maralitang Pilipino na matustusan ang kanilang pagkain, transportasyon, pagpapagamot, edukasyon, pagpapalibing at magbenepisyo rin sa serbisyo ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Sa ilalim ng panukala ay mabibigyan din ang mga kwalipikadong individual ng kailangang psychosocial interventions sa pamamaigtan ng therapies.

Diin nina Romualdez at Acidre, umaayon ang panukala sa atas ng 1987 Constitution sa estado na tiyaking natutugunan nito ang isyu ng kahirapan na nararanasan ng mamamayan sa pamamagitan ng mga polisiyang magbibigay sa kanila ng sapat at akmang social services.

Facebook Comments