Pinamamadali ni Senator Jinggoy Estrada ang pagsasabatas sa Senate Bill 1017 o ang Medical Reserve Corps Act.
Binigyang diin ng senador ang kahalagahan ng pagkakaroon ng ‘on-call’ medical reserve corps (MRC) na maaaring magpuno sa kakulangan ng mga medical personnel sa bansa sa panahon ng kalamidad at health crisis tulad ng COVID-19 pandemic.
Sa ilalim ng panukala, ang mga magiging miyembro ng MRC na magbibigay serbisyo ay makatatanggap ng mga kaukulang benepisyo tulad ng allowance, pangangailangang medikal, libreng pagpapaospital, at iba pang mga pribilehiyo at benepisyo sa panahon na sila ay kakailanganin.
Salig sa Medical Act of 1959 ay bukas din ang MRC para sa mga lisensyadong manggagamot na nagretiro na at sa mga estudyanteng nakapagtapos ng apat na taon na kursong medikal, medisina at mga registered nurse.
Mayroon din silang matatanggap na kabayaran para sa pagdalo sa compulsory basic training sa disaster and health emergency response.
Nakasaad sa panukala na batay sa magiging rekomendasyon ng Department of Health (DOH) ay maaaring magpatawag ang pangulo ng national mobilization ng MRC na pandagdag sa pwersa ng AFP Medical Corps kung sakaling magdeklara ng “state of war, state of lawless violence o state of calamity” sa bansa.