Pinuri ni AnaKalusugan Partylist Rep. Ray Reyes ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Republic Act No. 11959 o ‘Regional Specialty Centers Act’ na layuning magtayo ng specialty centers sa lahat ng rehiyon sa buong bansa.
Diin ni Reyes, ipinapakita ng hakbang ni Marcos na prayoridad ng administrasyon ang pagkakaroon ng accessible at abot-kayang serbisyong pangkalusugan para sa lahat.
Bilang isa sa mga pangunahing may-akda ng naturang batas ay tiwala si Reyes na malaking tulong ang Specialty Centers para hindi na kailanganin na gumastos at bumyahe pa ang mag kababayan natin sa mga probinsya na dinadapuan ng sakit.
Binanggit ng kongresista na inaatasan ng bagong batas ang Department of Health (DOH) na magtayo ng mga specialty centers na nagbibigay prayoridad sa cancer care, cardiovascular care, lung care, renal care at kidney transplant gayundin sa brain and spine care, trauma care at burn care.
Dagdag pa ni Reyes, kasama rin sa tutugunan ng batas ang orthopedic care, physical rehabilitation medicine, infectious disease and tropical medicine, toxicology, mental health, geriatric care, neonatal care, dermatology, eye care, and ear, nose, and throat care.