Tuesday, February 10, 2026

Pagsasabatas ng Travel Tax Abolition Bill at Anti- Dynasty Bill, pinaaapura na ni PBBM

Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpasa ng 21 priority legislative measures ng administrasyon sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting sa Malacañang.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, layon ng mga panukalang batas na mapabilis ang mga repormang direktang magpapagaan sa buhay ng taumbayan at magpapalakas sa pananagutan sa pamahalaan.

Pinaaapura ng pangulo ang panukalang pagtanggal ng travel tax, na aniya’y makatutulong sa pagpapalakas ng turismo at sa pagbawas ng gastos ng mga biyahero. Ang panukalang travel tax abolition ay inihain ni Rep. Sandro Marcos, na kasalukuyang House Majority Leader.

Samantala, umuusad na rin ang Anti-Political Dynasty Bill, na layong wakasan ang pamamayani ng iilang pamilya sa pulitika at bigyang mas pantay na pagkakataon ang mas maraming Pilipino na makilahok sa pamamahala.

Sinabi ni Castro na iniulat ni Sen. Risa Hontiveros sa LEDAC meeting ang pagsisimula ng public consultation para sa panukala.

Bilang karagdagan, kinumusta rin ng pangulo ang update sa iba pang prayoridad na panukalang batas tulad ng Independent People’s Commission Act, Party-list System Reform Act, at Citizens Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act.

Kasama rin sa tinalakay ang Expanded Anti-Online Sexual Abuse Bill, Anti-Fake News and Digital Misinformation Act, at ang paghahanda para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) elections.

Nais ng pangulo na maipasa ang mga priority bills na ito hanggang Hunyo upang agad maramdaman ng taumbayan ang mga repormang isinusulong ng administrasyon.

Facebook Comments