Pagsasabatas sa Affordable Pork Bill, hiniling muli sa Kamara

Muling kinalampag ni Marikina Rep. Stella Quimbo na madaliin ang pagsasabatas sa Affordable Pork Act of 2021.

Iginiit ni Quimbo na nananatili pa ring mataas ang inflation sa pagkain sa kabila ng pagbaba ng inflation rate ngayong July 2021 sa 4%, bahagyang mababa sa 4.1% noong June 2021.

Tinukoy ng kongresista na pangunahing sanhi pa rin ng mataas na inflation sa food commodities ang karne na nasa 16%, patunay ito na patuloy pa ring mataas ang presyo ng karneng baboy sa kabila ng pagbaba ng taripa sa imported na karne.


Punto ni Quimbo, hindi natin maaasahang bababa ang presyo ng baboy sa merkado dahil lamang sa pagtapyas ng buwis dito kung wala namang laganap na kompetisyon sa supply chain ng pork meat.

Aniya, malaki ang magagawa ng House Bill 9256 para magkaroon ng patas na kompetisyon at mapilitan ang mga importers na ibaba ang presyo ng kanilang mga baboy.

Sa oras na maging ganap na batas, ang gobyerno ang magsisilbing middleman kung saan ito ang bibili ng karneng baboy mula sa mga local hog raisers tuwing panahon ng krisis at ang mga karne ay ibebenta sa mga mamimili sa murang halaga.

Ang kikitain naman ng pamahalaan mula sa imported pork tariff ay gagamitin para sa kapakanan ng mga local hog raisers tulad ng paglaban sa African Swine Fever, subsidiya, insurance at pautang upang makabangon mula sa matinding pagkalugi.

Facebook Comments