Manila, Philippines – Dahil madalas ang mga guro ang gumagastos sa mga teaching supplies sa kanilang pagtuturo, isinusulong ni Deputy Speaker at Batangas Representative Vilma Santos-Recto ang batas pagbibigay ng teaching supplies allowance sa lahat ng public school teachers sa buong bansa.
Inihain ni Santos-Recto ang House Bill 3449 o “Teaching Supplies Allowance Act,” na layong bigyan ng halagang P10,000 ang bawat guro kada taon bilang pambili ng gamit sa classrooms.
Sakaling maging batas, sa unang taon ng implementasyon nito ang halagang P3,500 kada guro ay kukunin sa alokasyon ng Department of Education (DepEd) habang ang karagdagang P6,500 ay magmumula sa anumang available na pondo o savings ng DepEd.
Sa mga susunod na taon ng pagpapatupad nito, ang P10,000 na allowance para sa teaching supplies ay isasama na sa budget ng DepEd budget para sa teaching supplies allowance sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA).
Kasabay nito, pinatataasan rin ni Santos-Recto ang kasalukuyang cash allowance ng mga guro sa 185 percent, o mula P3,500 kada taon sa P10,000.