Pinuna ng ACT party-list ang ibinabang memo ng Department of Education (DepEd) hinggil sa pagsususpinde ng mga aktibidad sa mga paaaralan para makaiwas aa Coronavirus Disease o COVID-19.
Ayon kay ACT Philippines Chairman Jocelyn Martinez sa pag-dalo nito sa balitaan sa Maynila, dapat sundin ng lahat ang ibinabang memo pero aniya, patuloy daw ang ginagawang assembly ng pulisya at militar sa bawat paaralan para turuan ang mga estudyante tungkol sa isyu ng iligal na droga at terorismo.
Sinabi pa ni Martinez na hindi na kailangan pa ng mga pulis at militar na turuan ang mga estudyante dahil kaya naman daw ito ng katulad nilang mga guro.
Aniya, nagdudulot lang daw ito ng takot sa mga estudyante dahil namumulat sila sa nangyayaring karahasan sa bansa.
Iginiit naman ni ACT Party-list Representative France Castro na walang karapatan magturo o magsagawa ng aktibidad ang mga militar at pulisya sa bawat paaralan.
Ayon kay Castro, ang mga guro ang dapat na humubog sa kaisipan ng ilang bata at hindi raw nararapat para sa edad ng mga estudyante ang ginagawa ng mga pulis at ng militar.
Mas maiging linisin muna nila ang kanilang hanay dahil kadalasan ay ang mga pulis at militar pa ang nasasangkot sa krimen at sa iligal na droga.