Pagsasagawa ng confirmatory testing sa mga detention facilities, pinamamadali ng isang mambabatas

Kinalampag ni Health Committee Vice Chair at Anakalusugan Partylist Rep. Michael Defensor ang Department of Health (DOH) at Department of Justice (DOJ) na magsagawa agad ng confirmatory testing sa lahat ng mga bilanggo at correction officers na nagpapakita ng early symptoms ng COVID-19.

Nababahala si Defensor na hindi malabong tumaas pa ang mga presong magkakasakit ng COVID-19 dahil bukod sa overcrowded ang mga kulungan ay problema din ang limitadong access ng mga ito sa health care, poor nutrition, at mataas na rate ng undiagnosed pre-existing conditions tulad ng Tuberculosis (TB), at Human Immunodeficiency Virus (HIV) infection.

Iginiit ng kongresista na dapat ay walang maiiwan sa pagbibigay ng free testing, patient care, support, at treatment sa COVID-19 kahit pa ang mga ito ay bilanggo.


Umaasa ang mambabatas na agad aaksyunan ng DOH at DOJ ang pagpigil sa pagkalat ng COVID-19 sa mga detention facilities.

Sa huling tala ng Bureau of Corrections (BUCOR), umabot na sa 195 ang kumpirmadong COVID-19 cases sa mga bilangguan kung saan 161 dito ay mga inmates habang 34 dito ay mga correction officers.

Facebook Comments