Welcome kay Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II ang nakatakdang pagdinig ng Senado may kaugnayan sa viral road rage incident na kinasasangkutan ng dating pulis na si Wilfredo Gonzales at isang siklista sa Quezon City.
Sinabi ni Mendoza na maipakikita sa magiging pagdinig ng Senado ang kahalagahan ng responsableng paggamit ng lansangan gayundin ang kaligtasan ng mga motorista at siklista.
Paliwanag pa ni Mendoza, ang ganitong mga klase ng insidente ay hindi basta-basta dapat pinalalampas dahil kaligtasan ng mga motorista at ng mga mananakay ang nakasalalay dito.
Dagdag pa ng opisyal, na kahit gumugulong na ang imbestigasyon ng ibang ahensya sa insidente, mahalaga pa rin ang magiging ambag ng pagtalakay na gagawin sa Senado upang ating malaman kung anu-ano ang mga bagay na dapat nating i-improve sa Sektor ng Transportasyon.
Binigyang diin ni Mendoza na ang pagdinig ng Senado ay maaaring maging daan upang maisaisip ng publiko na lahat ay may pantay na pribilehiyo sa paggamit ng lansangan.
Kapwa naghain ng kanilang resolusyon sina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senadora Pia Cayetano para imbestigahan ang nangyaring insidente ng road rage na nag-viral sa social media nitong weekend.
Makikita sa kumalat na video ang pagbunot ng baril ni Gonzales sa nakaalitang siklista matapos umanong paluin nito ang minamanehong sasakyan.
Agad namang kumilos ang LTO at nagpalabas ng show cause order laban kay Gonzales gayundin ay pansamantalang sinuspinde nito ang kaniyang lisensya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.