Pagsasagawa ng preventive maintenance shutdown ng apat na planta ng kuryente, tuloy sa kabila ng apela ng DOE

Bigo ang Department of Energy (DOE) na mapakiusapan ang mga may-ari ng apat na planta ng kuryente na iurong ang schedule ng kanilang preventive maintenance shutdown.

Ayon kay Energy Usec. Emmanuel Juaneza, dalawang beses nilang sinulatan at kinausap ang management ng mga planta pero walang anumang naging tugon ang mga ito.

Habang may mga ulat din aniya na kailangan nang isagawa ang pagkumpuni sa mga planta kaya hindi na ito maipagpapaliban.


Inamin naman ni Juaneza na tatlong buwan na ang nakakalipas ay nakita na nila ang panganib na sabay-sabay na preventive maintenance ng mga planta ngayong Hunyo at inabisuhan na nila ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kaugnay nito.

Matatandaang batay sa patakaran ng DOE, hindi dapat magkaroon ng preventive maintenance o plant outages tuwing summer dahil mataas ang demand pero wala namang ginawang aksyon ang NGCP.

Facebook Comments