Cauayan City, Isabela- Inatasan ni Mayor Bernard Dy ng lungsod ng Cauayan ang Public Order and Safety Division (POSD), Barangay Official, at pulisya na magsagawa ng ‘surprise visit’ sa mga establisyimento.
Ito ay upang matiyak na tumutupad sa health protocol ang lahat para masigurong makakaiwas sa pagkahawa ng COVID-19.
Ayon kay Mayor Dy, bagama’t nakategorya na ng Deparment of Health (DOH) sa ‘Community Transmission’ ang lungsod ay hindi pa rin magpapatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Aniya, disiplina lang ang kinakailangan para makaiwas sa banta ng virus at hindi solusyon ang pagsasailalim sa ‘lockdown’ para masabing hindi na madaragdagan pa ang mga kumpirmadong kaso nito.
Sinabi pa ng alkalde,pagkaraang magsagawa ng inspeksyon sa mga establisyimento at mahuling hindi tumupad sa polisiya ang indibidwal ay mapapatawan ito ng parusa gayundin ang mga nagmamay-ari nito.
Nananatili naman sa 65 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod makaraang madagdagan ito ng 22 kahapon.
Sa ngayon ay kailangan ang ibayong pag-iingat ng bawat isa para matiyak ang kaligtasan ng lahat.