Aprubado na ng Department of Science & Technology-Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) ang protocols para sa pagsasagawa ng vaccine mix & match clinical trials sa bansa.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Department of Health (DOH) Expert Dr. Rontgene Solante na anumang araw ay posibleng masimulan na ang trial.
Una nang sinabi ng DOST-PCHRD na dalawang klase ng vaccine mix & match trial ang kanilang gagawin.
Una rito ang paggamit ng dalawang brands ng bakuna at ang ikalawa ay ang paggamit ng magkaparehong brand ng bakuna at titignan kung kailangan pang gumamit ng iba pang brand ng bakuna na magsisilbing booster shot.
Ani Solante, isasali sa trial kung anong mga bakuna ang mayroon sa bansa.
Nabatid na 18 buwan ang gugugulin ng mga eksperto sa nasabing vaccine mix & match trial kung saan sa ikatlong buwan ng pag-aaral ay maglalabas sila ng initial result upang mabatid kung maaaring paghaluin ang dalawang magkaibang brands ng bakuna at kung ano ang posibleng epekto nito sa isang indibidwal.