Mariing pinabulaanan ng pamahalaan ang kumakalat na balitang ibinalik muli sa Modified Enhanced Community Quarantine ang Metro Manila.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, walang katotohanan ang unang kumalat na balita na nasa Modified Enhanced Community Quarantine na ulit ang Metro Manila simula kahapon, Disyembre 19.
Mananatili aniya sa ilalim ng General Community Quarantine ang National Capital Region hanggang sa katapusan ng taon dahil wala naman aniyang inirerekomenda ang Inter Agency Task Force at Metro Manila Mayors ng pagbabago sa quarantine status.
Kasunod nito, muli namang nanawagan ang pamahalaan sa publiko na sumunod sa ipinatutupad na health protocols kabilang ang pagsusuot ng face masks at face shield at pag-iwas sa matataong lugar at pagdaraos ng social gatherings lalo na ngayong holiday season.