Suportado ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) ang pagpapaluwag sa quarantine restriction sa Metro Manila para mabuksan ang mas maraming sektor ng ekonomiya sa bansa.
Ayon kay ECOP President Sergio Ortiz-Luis Jr., dapat talaga na ibaba na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Metro Manila para makapasok na sa trabaho ang mga manggagawa.
Pero kaakibat nito, dapat aniyang maglaan ng karagdagang transit service ang gobyerno para sa mga manggagawa.
Pero para kay Dr. Antonio Dans, convenor ng Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19, hindi sapat na dahilan na hindi na kaya ng ekonomiya para ibaba sa MGCQ ang Metro Manila.
Ang tanong aniya ay kung handa ang bansa na tugunan ang pandemya.
Ayon naman kay Dr. Rontgene Solante, infectious disease expert sa San Lazaro Hospital, dapat lang alisin ang lockdown restriction kapag nagkaroon na ng “significant drop” sa kaso ng COVID-19.
Sa huling datos ng Department of Health, umabot na sa 291,789 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan 5,049 na ang nasawi habang 230,643 ang gumaling.