Itinutulak ni Senator Robin Padilla ang pagsasaligal ng civil effects ng annulment na inihain sa isang simbahan o religious sects.
Sa ilalim ng Senate Bill 2047 na inihain ni Padilla, tinukoy na tanging sa civil o court annulment lang ang ligal at tanging paraan para tuluyang mawala ang epekto ng isang kasal pero ang mga church o religious annulment ay hindi pa kinikilala sa bansa.
Sa panukala ni Padilla ay bibigyan na rin ng kapangyarihan ang simbahan o isang sekta na magpasya na ipawalang-bisa o ibasura ang kasal at kikilalanin ito ng estado.
Paliwanag ng senador, nagiging problematic o discriminatory ito lalo na sa mga asawang gusto nang kumawala sa mapang-abuso at miserableng pagsasama.
Itinatakda rin ng panukala na ang magiging estado ng bata o anak ng isang mag asawa ay tutukuyin base sa probisyon ng Family Code of the Philippines.
Nakasaad rin na ang maghihiwalay na mag-asawa ay magkakasundo sa paghati ng ari-arian at sa kustodiya at pagsuporta sa “common children.”
Itatala naman ang church annulment decree sa civil registries kasama ang kasunduan ng mag-asawa na hindi lalagpas sa tatlumpung araw matapos ilabas ang naturang decree salig na rin sa mga kondisyon na ipapatupad ng simbahan o ng sekta.