Duda si Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Zarate sa ginawang pagsasampa ng kaso laban kay Vice President Leni Robredo at sa 35 iba pa.
Giit ni Zarate, bilang abogado ay walang matibay na basehan at panghaharass lamang ang pagsasampa ng reklamo laban kay Robredo at sa iba pang kritikal sa pamahalaan kabilang na ang ilang taong simbahan.
Aniya, kaduda-duda ang timing ng paghahain ng kaso dahil itinaon ito ilang araw bago ang ika-apat na State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Dahil dito, naniniwala si Zarate na layunin lamang ng reklamo na pigilan ang mga kritiko at patahimikin ang mga ito sa mga ginagawang pang aabuso ng administrasyon lalo na at ikinakasa ang malaking kilos-protesta para sa SONA.
Kahapon nagsampa ng reklamo ang PNP CIDG sa DOJ laban kay Robredo, mga miyembro ng Otso Diretso, mga taga IBP, taong simbahan at iba pang kritikal sa administrasyon kaugnay sa “ang totoong narco list” video ni alyas Bikoy o Peter Advincula.