Pagsasampa ng kaso kina Secretary Duque, resigned PhilHealth President Morales at iba pang matataas na opisyal ng ahensya, inirekomenda ng Senado

Inirekomenda ng Senate Committee of the Whole na pinamumunuan ni Senate President VIcente “Tito” Sotto III ang pagsasampa ng kaso laban kina Health Secretary Francisco Duque na siya ring Chairman of the Board ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at resigned PhilHealth President at CEO Ricardo Morales.

Pinapakasuhan din ang ilan pang matataas na opisyal ng PhilHealth na kinabibilangan nina:
• Atty. Rodolfo del Rosario Jr. – Senior Vice President (SVP) for Legal Sector
• Jovita Aragona – SVP for Information Management Sector
• Calixto Gabuya Jr. – Acting Senior Manager of Information Technology and Management Department
• Arnel de Jesus – Executive Vice President (EVP) and Chief Operating Officer
• Renato Limsiasco Jr. – SVP for Fund Management Sector
• Israel Francis Pargas – SVP for Health Finance Police Sector
at iba pang mga kasabwat na empleyado.

Kasama rin sa rekomendasyon na maghain ng courtesy resignation ang matataas na opisyal ng PhilHealth hanggang sa regional vice presidents nito para mabigyan ng free hand ang Pangulo na magtalaga ng mga bagong opisyal na magbabalik sa tiwala ng taumbayan.


Iginiit din ng Committee of the Whole ang regular na rigodon ng mga regional vice president at pagpapalakas sa legal division para sa mabilis na pagsasampa ng mga kaso.

Kasama rin sa rekomendasyon na ipa-liquidate sa mga healthcare institutions ang natanggap na Interim Reimbursement Mechanism (IRM) at ibalik ang hindi nagamit.

Pinapa-asikaso na rin sa PhilHealth ang claims ng mga private hospitals lalo na ang pinagdadalhan ng mga pasyente ng COVID-19.

Pinabibigyan din ng involvement ang Commission on Audit (COA) sa operasyon ng PhilHealth at pag-outsource ng Information Technology services.

Ang committee report ni Senate President Sotto ay pirmado ng 22 mga senador at base sa tatlong pagdinig na isinagawa ng Senado kung saan lumabas na bilyon-bilyong piso na sa pondo ng PhilHealth ang nasasayang dahil sa katiwalian.

Ilan sa mga iregularidad sa PhilHealth ay ang mga ghost dialysis, hindi kailangang cataract surgeries, case upscaling, kwestyunableng pagtaas ng HCI claims, at bloated budget proposals para sa Information and Communication Technology (ICT) project.

Facebook Comments