Pinag-aaralan na ng Angat Pinas Inc., isang non-government organization na pinamumunuan ni dating Bise Presidente Leni Robredo, ang mga pagsasampa ng kaso laban sa dating opisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na si Lorraine Badoy kaugnay sa red-tagging claims.
Ito ay kasunod ng pahayag ni Badoy na ang Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CCP-NPA) ang mga nasa likod ng Angat Buhay NGO ni Robredo.
Itinanggi naman ng naturang NGO ang mga akusasyon ni Badoy.
Ayon kay Angat Pinas Executive Director Raphael Magno, tinitignan na nila ang mga posibleng paraan para legal na maprotektahan ang kanilang mga staff member, volunteers, at partners.
Wala aniyang basehan ang mga pahayag ng dating opisyal at tiniyak nito na hindi nila hahayaang masayang ang mga pagsisikap ng organisasyon na makatulong sa mga Pilipino.
Dagdag pa ni Magno, maninindigan din sila laban sa sa fake news at mga nagpapakalat nito.
Matatandaang inilunsad ang Angat Buhay kasunod ng pagbaba ni Robredo sa pwesto upang palawakin pa ang pagbibigay ng tulong sa mga mahihirap na Pilipino sa pamamagitan ng volunteerism.