Iginiit ni Senator Risa Hontiveros na magsilbing babala sana sa ibang uniformed personnel ang karanasan ngayon ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) Chief General Gerald Bantag.
Ayon kay Hontiveros, ang pagsasampa ng Department of Justice (DOJ) ng kasong murder laban kay Bantag ay isang mahalagang hakbang para sa pagkamit ng hustisya ng pamilya ng pinaslang na mamamahayag na si Percy Lapid.
Sinabi pa ng senadora na ang nangyaring ito ay magsilbing babala na walang sinuman ang makakatakas sa pananagutan sa batas kahit pa ang mga uniformed personnel.
Pinakikilos ni Hontiveros ang Armed Forces of the Philipppines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na imbestigahan din ang kanilang hanay at suriing mabuti ang kultura ng mga karahasan na aniya’y kahihiyan para sa mga mabubuting sundalo at pulis na buong-pusong inaalay ang buhay sa pagseserbisyo.
Umaasa si Hontiveros na maayos at patas na gugulong ang kaso at maibigay agad sa pamilya Mabasa ang hustisya at kapanatagan na nararapat sa kanila.
Kinalampag din ng mambabatas ang Malakanyang na magsalita na sa isyu bilang proteksyon sa mga mamamahayag at hikayatin ang mga ito na huwag tumigil sa paghahayag ng katotohanan.