Pagsasampa ng kaso laban sa NIA, pinag-aaralan pa ng Cagayan Provincial Government

Pinag-aaralan pa ng provincial government ng Cagayan kung itutuloy nito ang pagsasampa ng kaso laban sa National Irrigation Administration (NIA) kasunod ng pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam na itinuturong dahilan ng malawakang pagbaha sa lalawigan.

Ayon kay Cagayan Governor Manuel Mamba, malakas ang panawagan ng mga residente na ituloy ang pagsasampa ng reklamo.

Gayunman, aminado si Mamba na hindi siya sigurado kung maipapanalo o hindi ng lokal na pamahalaan ang kaso.


Una nang dumipensa ang NIA at iginiit na mas malaking sakuna at milyon-milyon ang posibleng mamatay kung hindi sila nagpakawala ng tubig dahil sa posibilidad na bumigay ang dam.

Sa kabila nito, desidido naman si Mamba na ituloy ang imbestigasyon sa lahat ng posibleng dahilan ng pagbaha sa Cagayan kabilang ang illegal logging at illegal mining.

“Dapat lang po, kasi matagal nang problema pero walang solusyon kahit paulit-ulit nang nangyayari. And there are a lot of people and even agencies na kailangang mabigyan ng mandato talaga. Ang hirap po kasing lumaban, parang well-entrenched na yung mga ayaw gumalaw sa status. Syempre involved din naman dito yung mga malalaking tao, mga politiko rin, at yung mga nasa gobyerno rin po,” saad ni Gov. Mamba sa panayam ng RMN Manila.

Samantala, nananatili sa 10 ang bilang ng nasawi sa Cagayan dahil sa malawakang pagbaha bunsod ng Typhoon Ulysses.

Facebook Comments