Hindi pa masabi ng Food and Drug Administration (FDA) kung mapaparusahan ang mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) na iligal na nagturok sa kanilang sarili ng hindi rehistradong bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, mali at taliwas sa batas ng FDA ang pag-iimport, pamimigay, paggawa at paggamit ng mga hindi rehistradong bakuna.
Kung magsasampa naman ng kaso sa PSG kahit walang ginawang aksyon si Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Domingo na handa ang Department of Justice (DOJ) na makipagtulungan sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa imbestigasyon.
Sinuportahan naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang nais na imbestigasyon ng DOJ at NBI sa PSG.
Pero dagdag nito, kailangan ding humarap sa pagdinig sa Senado si PSG Commander Brigadier General Jesus Durante III para maipaliwanag ang isyu.
Sa ngayon, wala pang nakikitang establisyemento sa Maynila si Manila Mayor Isko Moreno na nagtitinda ng hindi rehistradong bakuna kontra COVID-19.
Pero pagtitiyak nito, araw-araw nilang imo-monitor ang mga tindahan sa lungsod upang mapanagot ang mga nagkakalat ng hindi sertipikadong bakuna.