Pagsasapinal ng Code of Conduct sa South China Sea, ipupursige ni PBBM kaugnay sa ginaganap na 42nd ASEAN Summit sa Indonesia

Courtesy: Presidential Communications Office

Patuloy na isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagsasapinal ng Code of Conduct o COC sa South China Sea upang matigil na ang tensyon sa pinag-aagawang isla.

Sa panayam sa pangulo sa Indonesia, sinabi nitong hihikayatin nito ang mga kapwa Southeast Asian leaders sa ginaganap na ASEAN summit na gumawa ng paraan para maisulong ang pagsasapinal nang Code of Conduct.

Naniniwala ang pangulo na kapag naisapinal na ang COC ay magiging malinaw na ito at mababawasan ang mga haka-haka o miscalculation sa isyu.


Umaasa ang pangulo na tutukan ng regional bloc ang mga isyung ito, dahil ito aniya ang key element ng ASEAN para magkaroon ng konklusyon sa negosyasyon.

Pero ang problema aniya ay mayroong iba’t ibang bilateral negotiations ang mga ASEAN members sa China na dapat maresolba.

Ayon sa pangulo, alam niyang hiwalay sa ASEAN Summit ang bilateral negotiations patungkol sa pagsasapinal ng South China Sea code of conduct.

Pero para sa pangulo, dapat na itong mapag-usapan ngayong ginagaganap ang ASEAN Summit.

Matatandaang noong nakaraang taong ASEAN Summit, una nang isinulong ng pangulo ang maagang pagsasapinal ng Code of conduct sa South China Sea batay na rin sa International Law.

Facebook Comments