Inihain ni Senador Francis Tolentino ang Senate Bill No. 2235 o ang panukala para pormal na mapalitan ang pangalan ng “Benham Rise” bilang “Philippine Rise” o “Talampas ng Pilipinas.”
Ayon kay Tolentino, ito ay upang igiit ang soberanya ng Pilipinas sa higit 13-milyong ektaryang underwater plateau sa silangang bahagi ng Luzon sa karagatan na sakop ng lalawigan ng Aurora.
Dagdag pa ni Tolentino, layunin din ng panukala na protektahan ang pambansang interest ng Pilipinas sa nasabing lugar.
Pagtitibayin ng panukala ang Executive Order No. 25 na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017 at unang nagpangalan sa nasabing lugar na hitik sa likas-yaman bilang Philippine Rise.
Nakapaloob din sa panukala ang pagbibigay ng pangalan sa 22 undersea features na makikita sa ilalim ng nasabing underwater plateau.
Sa ilalim ng S.B. 2235 ang pangalang “Philippine Rise” o “Talampas ng Pilipinas” at ang mga pangalan ng underwater features sa ilalim nito ay mapapasama sa mga lilimbaging mapa at iba pang opisyal na dokumento.