Pagsasara ng CADPI at epekto nito sa sugar planters, pinaiimbestigahan sa Kamara

Pinaiimbestigahan ng Gabriela Women’s Party sa Mababang Kapulungan ang pagsasara ng Central Azucarera Don Pedro Inc. (CADPI) sa Nasugbu, Batangas na ikalawa sa pinakamalaking Azucarera sa Luzon.

Umaabot sa 12,000 sugarcane farm workers ang maaapektuhan nito na posibleng magdulot din ng pagkabangkarote ng 4,584 sugarcane planters.

Sa inihing House Resolution 785 ay sinabi ni Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas na tila mapait na asukal ang aanihin ng libo-libong manggagawa at magsasaka ng CADPI sa mga susunod na araw.


Binanggit din ni Brosas ang nakatenggang mahigpit 300,000 MT na tubo mula pa noong Disyembre at simula nitong Enero ay wala nang makain ang libo-libong farmworkers at small planters.

Apela ni Brosas sa gobyerno, tugunan ang kahilingan ng maliliit na planters na mabigyan sila ng subsidiya para sa pangangailangan nila sa produksyon, tulad ng fertilizers na patuloy na tumataas ang presyo.

Giit din ni Brosas, tigilan na ng pamahalaan ang kaiimport sa mga produkto lalo’t hindi naman nito nasusulusyonan ang patuloy na pagtataas ng presyo.

Diin ni Brosas, ang kailangan ngayon ay palakasin ang lokal na produksyon sa pamamagitan ng pag-develop sa sugar industry at Philippine agriculture.

Facebook Comments