Hiniling ni Surigao del Sur Representative Johnny Pimentel sa House Committee on Energy na silipin at pag-aralan ang posibleng epekto ng pagsasara ng dalawang oil refineries sa energy security ng bansa.
Nababahala ang kongresista na kung walang sariling oil refinery capacity ang bansa ay posibleng magambala o maapektuhan ang suplay ng ready-to-use fuels sa hinaharap lalo na kung nagsisimula nang bumangon ang bansa.
Ang mga refineries ang siyang lumilikha ng mga finished petroleum products tulad ng gasolina, diesel, kerosene, jet fuel at LPG mula sa krudo.
Ayon kay Pimentel, bukod sa Pilipinas ay maraming oil refineries sa buong mundo ang nagsuspinde ng operasyon matapos bumagsak ang fuel demand bunsod ng epekto ng COVID-19 pandemic.
Pinatitiyak din ng mambabatas na mayroong sapat na storage capacity para sa ready-to-use fuels sakali mang magkaroon ng krisis na magreresulta sa pagpigil sa operasyon ng mga refinery hubs sa ibang bansa na pinagkukuhaan din ng suplay ng bansa.
Nito lamang Mayo ay sinuspinde na ng Pilipinas Shell Petroleum Corporation ang kanilang refinery operation sa Tabangao, Batangas habang ang Petron Corp. ay nag-abiso na ihihinto muna ang kanilang operasyon ng 180,000 barrel per day refinery sa Limay, Bataan sa kalagitnaan ng Enero ng susunod na taon.