Pagsasara ng mga U-turn slots sa EDSA, ipinarerekunsidera ng isang kongresista

Ipinarerekunsidera ni Committee on Public Works and Highways Vice Chairman at Quezon City Rep. Anthony Peter Crisologo sa Metro Manila Development Authority (MMDA) at Department of Transportation (DOTr) ang ginawang pagsasara sa mga U-turn slots sa EDSA at pinahahanap ang ahensya ng ibang alternatibong paraan upang solusyunan ang matinding traffic.

Ang pagpapasara sa pitong U-turn slots ay bahagi ng MMDA scheme upang mabawasan ang traffic at resolbahin ang pagsisikip ng mga lansangan sa pamamagitan ng paglalagay ng bus stations o bus stops sa southbound at northbound lane ng EDSA.

Pinaiikli rin nito ang travel time ng mga carousel buses sa 45 minutes.


Subalit ang pagsasara ng mga U-turn slots ay lalo lamang naging sanhi ng mabigat na trapiko sa EDSA at naging pahirap din sa mga pribadong motorista ang pag-U-turn.

Dahil dito, nagpadala ng liham ang mambabatas kina MMDA Chairman Danilo Lim sa pamamagitan ni General Manager at Usec. Jojo Garcia kung saan inisa-isa ni Crisologo ang mga natanggap niyang reklamo mula sa mga motorista kaugnay sa pagsasara ng mga U-turn slots.

Bagama’t maganda sana aniya ang hangarin ng hakbang ng MMDA ay nasasakripisyo naman ng husto ang hangarin na mapagbuti ang pagbyahe ng mga commuters at private motorists.

Ilan naman sa mga solusyong inirekomenda ng kongresista ay pagbubukas ng intersection sa may Munoz at payagang dumaan dito ang mga sasakyan kahit ang mga bus na dumadaan sa EDSA o kaya naman ay pagtatayo ng elevated U-turns.

Facebook Comments