Pagsibak kay Nuezca, ipinauubaya na ng PNP sa IAS

Nakaamba na ang pagsibak sa serbisyo laban sa pulis na namaril sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac na si Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PNP Spokesman Police Brig. Gen. Ildebrandi Usana na ipinauubaya na nila sa Internal Affairs Service (IAS) ang imbestigasyon at inaasahang sa pinakamabilis na panahon ay makapagpalabas ito ng desisyon.

Tiniyak din ni Usana na magiging bahagi ng imbestigasyon at pag-aaral ng IAS ang mga dati nang kasong kinasangkutan ni Nuezca at kasama ito sa pagbabasehan ng magiging desisyon sa kaso.


Sa mga mungkahi naman na ipaubaya na lamang sa National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon at pagkustodiya kay Nuezca, sinabi ni Usana na naisampa na ang kaso sa piskalya.

Maigi aniyang hintayin na lamang ang pag-usad nito sa korte at ang ipalalabas na commitment order kung saan dapat na maipiit si Nuezca.

Facebook Comments