Manila, Philippines – Itinuturing ni Senator Risa Hontiveros na isang babala sa mga kritiko ng war on drugs ang pagsibak ni Pangulong Rodrigo Duterte kay dating Dangerous Drugs Board o DDB Chairman Dionisio Santiago.
Reaksyon ito ni Hontiveros sa pag-amin ni Pangulong Duterte na pinag-resign niya si Santiago makaraang sabihin nito na ang itinayong mega rehabilitation facility sa fort magsaysay, nueva ecija ay isang pagkakamali at hindi praktikal.
Ayon kay Hontiveros, ang ginawa ng pangulo kay Santiago ay mabigat na mensahe na bawal magsabi ng totoo at bawal kumontra ang mga public servant kaugnay sa war on drugs ng Duterte administration.
Ipinaalala pa ni Hontiveros na sinipa din noon ni Pangulong Duterte si dating DDB Chairman Benamin Reyes makaraang kontrahin nito ang sinabi ng pangulo na mahigit 4-na milyon na ang mga drug addict sa buong bansa.