Inihayag ng OCTA Research Group na posibleng ang UK at South African variant ang dahilan ng patuloy na pagsipa ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.
Ito ay matapos makapagtala ang bansa ng 6 na kaso ng South African variant kung saan 3 sa mga ito ay local cases mula sa lungsod ng Pasay, 2 ang returning Filipino workers mula Qatar at United Arab Emirates (UAE) habang ang isa ang patuloy pang inaalam ang lokasyon.
Ayon sa OCTA fellow na si Dr. Guido David, bagama’t kulang pa sa ebidensya dahil sa kakulangan sa genome sequencing ang mga nasabing lugar, may posibilidad na malaki ang naiaambag nito sa pagtaas ng kaso ng nasabing sakit sa bansa.
Dahil dito, iginiit ni David na dapat magpatupad ang bansa ng mas mahigpit na border control upang mapigilan ang pagkalat ng mga bagong variant ng Coronavirus sa bansa.
Nagbabala rin ang grupo na posibleng sumampa sa 665,000 ang kabuuang kaso sa bansa at 14,000 naman sa mga nasawi sakaling hindi mapigilan ang pagkalat ng sakit.