Pagsisikip sa mga temporary OFW center, pinapa-aksyunan ng isang kongresista sa gobyerno

Nanawagan si OFW Party-list Representative Marissa Magsino sa gobyerno na aksyunan ang congestion o pagsisikip sa mga temporary Overseas Filipino Worker (OFW) center sa iba’t ibang bansa.

Pinamamahalaan ang mga ito ng Philippine Overseas Labor Offices (POLOs) at tinatawag ngayong Migrant Workers Offices o MWOs.

Inihalimbawa ni Magsino ang naging kalagayan ng ilang documented at undocumented OFW sa Bahay Kalinga sa Kuwait na umaabot na sa 421 nitong Enero gayong ang kapasidad nito ay para lang sa 200 katao.


Sa impormasyong natanggap ni Magsino, dahil sa sobrang siksikan ay nagkasakit na ang mga migrant worker doon habang naghihintay na mapauwi sa Pilipinas.

Bunsod nito ay hiniling ni Magsino na magkaroon ng maayos na paggamit sa repatriation fund na inilaan ng gobyerno upang mapauwi agad ang mga distressed OFW at mabawasan ang mga nananatili sa temporary shelters.

Binanggit ni Magsino na ngayon ay magkakahiwalay ang pondo ng Department of Migrant Workers, Department of Foreign Affairs at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa repatriation.

Facebook Comments