PAGSISIMULA NG TAG-ULAN, OPISYAL NANG IDENEKLARA NG PAGASA

Opisyal nang idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA ang pagsisimula ng tag-ulan ngayong 2023.
Base sa inilabas na Memorandum ng PAGASA ngayong araw, ang pagkakaroon ng mga kalat-kalat na pag-uulan, ang pagdaan ng Super Typhoon (STY) “BETTY” at ang Southwest Monsoon o Habagat nitong mga nakaraang araw ay nagdulot ng malawakang pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas na nagpapahiwatig ng pagsisimula ng tag-ulan sa bansa, lalo na sa mga lugar ng Climate Type I.
Higit pa rito, ang paglipat mula sa ENSO-neutral patungo sa El Niño ay pinapaboran sa susunod na dalawang buwan, na may mas mataas na tyansa ng El Niño na magpapatuloy hanggang sa unang quarter ng 2024.

Pinapataas ng El Niño ang posibilidad ng mas mababa sa normal na kondisyon ng pag-ulan, na maaaring magdulot ng mga negatibong epekto tulad ng mga tagtuyot sa ilang lugar sa bansa.
Samantala, sa naging panayam ng IFM Dagupan sa PAGASA Dagupan, maaari pa ring makaranas ng mga tag-init ngunit hindi na gaanong kataas ang temperature.
Sa ngayon nararanasan ang kalat-kalat na pag-uulan sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan.
Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang lagay ng panahon at klima ng bansa.
Pinapayuhan ngayon ng awtoridad ang lahat ng publiko maging ang kinauukulang ahensya na magsagawa ng pag-iingat laban sa mga epekto ng tag-ulan. |ifmnews
Facebook Comments