Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na naging mapayapa at maayos ang unang araw ng 55th Asian Development Bank o ADB Annual Meeting sa Mandaluyong City.
Ayon kay MMDA acting Chairman Carlo Dimayuga III na ang ahensya ay tumutulong sa Philippine National Police (PNP) para subaybayan ang pagsasagawa ng ADB Hybrid format sa ADB Headquarters sa Ortigas Center mula Setyembre 26-30 2022.
Ayon kay Dimayuga, ang pagtutulungan ng PNP, MMDA at Local Government Units ay upang maging mapayapa sa lugar kung saan ginaganap ang aktibidad.
Hindi bababa sa 350 na delegado mula sa mga member economy ng ADB at mga ahensya ng gobyerno ang inaasahang dadalo sa 55th Annual Meeting ng Board of Governors kung saan ilang head of state ang dadalo sa pagpupulong.
Paliwanag ni Dimayuga na aabot sa 500 tauhan ng MMDA ang nakatuon sa ruta ng ADB para sa tuloy-tuloy na paggalaw ng mga delegado mula sa paliparan patungo sa mga billeting hotels, venue, at iba pang lugar.
Dagdag pa ng opisyal na ang MMDA Road Emergency Group, sa pakikipag-ugnayan sa Office of Civil Defense (OCD), Department of Health (DOH), Bureau of Fire Protection (BFP) ay naka-standby para magbigay ng emergency assistance.