Umaasa ang mga senador na ang kanilang pagsita sa Department of Health (DOH) ay magiging daan para pag-ibayuhin pa nito ang mga hakbang kaugnay sa novel coronavirus.
Diin nina Senators Francis Kiko Pangilinan at Panfilo Ping Lacson, malinaw na may failure of leadership sa panig ng DOH, lalo na pagdating sa contact tracing o pagtukoy sa mga nakahalubilo at nakasabay sa eroplano ng dalawang chinese nationals na nagmula sa china at nakumpirmang may taglay na nCoV.
Nababahala si Pangilinan, gayundin si Senator Risa Hontiveros, na dahil sa kabiguan ng DOH sa contact tracing ay patuloy na gumagala ang mga nakahalubilo ng nabangit na dalawang Chinese nationals na ang isa ay pumanaw na.
Nadismaya naman si Senator Lacson na nagturuan pa sa pagdinig ng senado ang mga miyembro ng gabinete gayong ang doh ang dapat nangunguna dahil kalusugan ng mamayang pilipino ang nakasalalay sa pagkalat ng nCoV.
Diin ni Lacson, dapat alam ng DOH ang dapat gawin at huwag ng hintayin na madagdagan pa ang kasalukuyang dalawang kumpirmadong kaso ng nCoV sa bansa.
Dagdag naman ni Hontiveros, dapat ay inalam din ng DOH kung ilan ang mga nakapasok sa bansa bago magpatupad ng travel ban sa lahat ng bumiyahe galing sa China.