Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, napapanahon nang patatagin natin ang batas upang sugpuin ang human trafficking sa bansa, lalo na’t mga kabataan at kababaihan ay higit nitong nabibiktima.
Dahil dito ay inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 1794 o panukalang mag-aamyenda sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 para palakasin ang Inter-Agency Council Against Trafficking.
Layunin ng hakbang ni Gatchalian na paigtingin ang mga pamamaraan ng pagtugis sa anumang uri ng human trafficking, kabilang ang pornography, prostitusyon, pang-aabusong sekswal, forced labor, at pagbebenta ng laman loob.
Sa ilalim ng naturang panukala, maaaring magbigay ang Regional Trial Court ng pormal na kautusan upang siyasatin o i-rekord ang mga mensahe, datos, at impormasyong nagmumula sa isang taong pinaghihinalaan o nakasuhan na ng trafficking.
Ngunit bago pahintulutan ito ng korte, dapat munang patunayan ng mga law enforcer o awtoridad na mayroong krimeng naganap, isinasagawa o balak, dahil kung hindi ay maaari silang makulong ng hanggang 12 taon.
Bibigyan din ng mandato ng naturang panukala ang mga Internet Service Providers (ISPs) at tourism-oriented establishments na i-ulat at pigilan ang mga kaso ng trafficking.