*Cauayan City, Isabela- *Nilinaw ni Major Noriel Tayaban, pinuno ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, Philippine Army na walang nangyaring pamimilit sa pagsuko ng ilang mga kasapi ng New People’s Army (NPA) sa gobyerno.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Maj. Tayaban, hindi nila inobliga na sumuko ang ilang mga magsasaka na miyembro ng NPA dahil mandato aniya ng kasundaluhan katuwang ang kapulisan na protektahan ang karapatan ng bawat isa at maipaliwanag sa mga ito kung paano sila naloko at nabibiktima ng mga teroristang NPA.
Base sa press release ng Reynaldo Piñon Command, hindi umano sumusuko ang mga marangal na mandirigma ng NPA dahil isa umano itong kahihiyan na sumurrender sa rehimeng Duterte.
Pibaulaanan rin ni Maj. Tayaban na umano’y isang suhol ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program* (*E-CLIP) na isinasagawa ng militar sa mga kanayunan kundi isa aniyang programa at benepisyo na ibinibigay sa mga rebelde na nagbabalik loob sa gobyerno.
Samantala, sa patuloy naman na paghikayat ng militar sa mga makakaliwang grupo ay marami na umano ang nagbalik loob sa gobyerno na namumuhay na ng masaya at payapa kasama ang kanilang pamilya.