Pagsunod ng COVID-19 testing laboratories sa bagong price cap, dapat tiyakin

Iginiit ni Senador Win Gatchalian sa Department of Health (DOH) at Department of Trade and Industry (DTI) ang pagbuo ng mekanismo na titiyak sa pagtupad ng mga testing laboratories sa pinababang presyo ng RT-PCR swab tests.

Paliwanag ni Gatchalian, kung maimplementa ng tama at masigurong mas mababa ang presyo ng swab test, ay mas mahihikayat ang nakararami na magpa-test bagay na makakatulong ng malaki sa COVID-19 response ng gobyerno.

Mula sa dating P4,500 hanggang P5,000 na price cap sa RT-PCR test sa mga pribadong laboratory ay ipinag-utos ng DOH na ibaba ito sa P2,940 hanggang P3,360.


Para naman sa mga pampublikong testing center, ang dating P3,800 kada swab test ay dapat nasa P2,450 hanggang P2,800 na lamang.

Ang price cap naman para sa home service testing ay P1,000, bukod pa riyan ang mismong bayad sa swab test.

Binanggit ni Gatchalian na batay sa kautusan ng DOH, ang testing laboratory na susuway sa price cap ay papatawan ng 15 araw na suspensyon ng lisensya sa unang beses ng paglabag, 30 araw sa ikalawang beses ng paglabag, at pagbawi ng lisensya sa ikatlong beses ng paglabag.

Ayon kay Gatchalian, papatawan din ng P20,000 na multa sa unang beses na paglabag at P30,000 naman sa ikalawang beses na paglabag ang mga hindi susunod na laboratoryo.

Facebook Comments