Ikinatuwa nina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senator Joel Villanueva ang kautusan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga kompanya na ibigay ang 13th month pay ng kanilang mga empleyado.
Diin ni Drilon, malinaw sa batas na walang exemption sa pagbibigay ng 13th month pay kaya dapat itong matanggap ng lahat ng rank and file employees.
Sabi naman ni Villanueva, na siya ring Chairman ng Senate Committee on Labor, ang pasya ng DOLE ay bunga ng konsultasyon sa tripartite council.
Dahil dito ay hinihiling ni Villanueva sa DOLE na bantayang mabuti ang pagsunod ng mga employer sa pagbibigay ng 13th month pay, na malaking tulong para sa mga manggagawang nagigipit dulot ng pandemya.
Kasabay nito ay umaapela rin si Villanueva sa gobyerno na tulungan ang mga distressed employers na makasunod sa 13th month pay law na karamihan ay nabibilang sa Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) na may 5.7 million na manggagawa.
Mungkahi ni Villanueva sa Department of Trade and Industry (DTI), pautangin ang MSMEs nang walang interes dahil malaki ang kanilang gagampanang tungkulin sa muling pagsigla ng ating ekonomiya.