Ikinatuwa ni Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe ang pasya ng Inter-Agency Task Force (IATF) na payagan na ang mag-asawa na magka-angkas sa motorsiklo.
Para kay Poe, sa nabanggit na desisyon ng IATF ay nanaig ang katwiran at konsiderasyon sa pamilyang Pilipino na apektado ng limitadong transportasyon ngayong may COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Poe, malaking tulong ito sa bawat pamilya na nakadepende lang sa kanilang motorsiklo para makapasok sa kanilang mga trabaho.
Kaugnay nito, ipinaalala ni Poe sa mga mag-asawa na babiyaheng magka-angkas sa motorsiklo ang mahigpit na pagsunod sa health protocols laban sa COVID-19 at ibayong pag-iingat.
Pangunahing tinukoy ni Poe ang pagsusuot ng face mask at helmet, disinfection at pagsunod sa batas trapiko.