Ikinadismaya ni Lt. Col. Camilo Saddam, Commanding Officer ng 17th Infantry Battalion, 5th ID, PA, ang pagsunog ng nasa higit kumulang 20 na hinihinalang miyembro ng New People’s Army sa anim na heavy equipment na ginagamit sa paggawa ng kalsada partikular sa Brgy. Agani, Alcala, Cagayan.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Lt. Col. Saddam, nakakadismaya anya ang ginawang panununog ng mga rebeldeng grupo kung saan tupok ng apoy ang tatlong Mixer, isang Compactor (pison), isang Grader at isang Dump Truck na pagmamay-ari ng Camia Contsruction Company.
Naganap ang nangyaring panununog bandang 9:30 ng gabi, Pebrero 28, 2019 at nakita umano ang mga responsable sa insidente na nakasuot ang mga ito ng uniporme ng sundalo.
Ayon pa kay Lt Col. Saddam, kasalukuyang ginagamit ang mga sinunog na kagamitan sa mga inaayos at ginagawang lansangan sa ilang bahagi ng Alcala, Cagayan na mapapakinabangan sana ng mga mamamayang magsasaka.
Nananawagan naman ang nasabing opisyal sa publiko na laging makipagtulungan sa mga otoridad upang maagapan agad ang anumang masamang binabalak na gawin ng mga makakaliwang grupo.