Pagsunog sa printing office ng isang pahayagan, kinondena

Photo from Abante

Nanawagan ang mga senador ng malalimang imbestigasyon at pagpapanagot sa may kagagawan ng tahasang pag-atake at panununog sa printing office ng pahayagang Abante sa Parañaque City.

Para kay Senator Grace Poe, malinaw itong pananakot, hindi lamang sa Abante, kundi sa mga mamamahayag na nagbabalita lamang ng impormasyon at nagsisiwalat ng korapsyon at maling gawain ng iba’t ibang tao, kabilang na ang mga tiwali sa gobyerno.

Para naman kay Senator Kiko Pangilinan, maliwanag na ito ay gawain ng mga kriminal at tahasang pag-atake at tangkang pagbusal sa kalayaan sa pamamahayag.


Diin naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, kagagawan ito ng mga duwag at takot sa katotohanan at ng mga nangangamba na ang madilim nilang mga gawain ay mabibisto ng liwanag ng sulo ng malayang pamamahayag.

Giit ni Recto, anumang atake sa mga mamamayahag, saan man ito sa Pilipinas, ay dapat mabilis na maparusahan, sapagkat kung hindi, ito ay magpapalakas loob lamang sa mga kaaway ng katotohanan na ituloy ang kanilang maitim na balak.

Umaasa naman si Senator Joel Villanueva na tututukan ng mga awtoridad ang insidenteng ito upang madakip at mapanagot ang salarin.

Facebook Comments