Obligadong magsuot na ng face mask ang lahat ng residente sa Cotabato City matapos maipasa ang isang ordinansa sa syudad.
Ito ang napag-alamang mula kay Cotabato City Mayor Cynthia Guiani-Sayadi sa kanyang inilabas na pahayag sa Facebook Page ng CM in Action.
Ayon sa alkalde, kailangan na makasanayan na ng mga tao ang pagsusuot ng mga face mask, dahil bahagi na ito ng tinatawag na ‘New Normal.’
Dagdag pa ni Mayor Guiani, kahit pa matanggal na sa enhanced community quarantine (ECQ) ang lungsod, hindi ibig sabihin na pwede nang bumalik sa mga nakasanayan bago ang coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Magiging bahagi na rin ng pang araw araw na pamumuhay ng mga taga syudad ang pagsusuot ng face mask, kasali na dapat ang madalas na paghuhugas ng kamay, at ang physical distancing kapag nasa pampublikong lugar.
Babala ng alkalde, ang sino mang mahuhuling lalabag sa city ordinance ay mapapatawan ng karampatang multa ng hanggang ₱5, 000 o pagkakulong ng limang araw.