Nanawagan ni Senator Grace Poe sa Malacañang na ikonsidera ang pagsususpinde ng koleksyon sa excise tax sa gasolina at diesel.
Layunin ng hiling ni Poe na mabawasan ang pahirap sa mga tsuper ng jeep, delivery rider, at sa mga nagbibiyahe ng ani ng mga magsasaka sa palengke sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Naipasa ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law noong 2017 na nagpapatong ng excise tax sa mga produktong petrolyo simula noong 2018.
Paliwanag naman ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, nakapaloob sa TRAIN Law na maaring ipasuspinde ng Department of Finance (DOF) ang increase sa excise tax sa fuel base sa rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).
Dahil dito ay iginigiit ni Lacson kay Finance Secretary Carlos Dominguez na gawin ito bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa na nagpapahirap sa sektor ng transportasyon at sa publiko.
Sang-ayon din si Senator Imee Marcos na makabubuting kumilos ang DOF o kaya ay magpalabas ang Palasyo ng Executive Order na nagsususpinde sa excise taxes at value added tax (VAT) sa langis.
Giit ni Marcos, ito ay bilang malasakit sa panig ng pampublikong transportasyon na labis-labis na ang dagok dulot ng COVID-19 pandemic at serye ng oil price hike.