Kumpiyansa ang Malakañang na hindi magdudulot ng matinding epekto sa ekonomiya ng bansa ang pagsuspinde sa mga bagong loans at grants mula sa ibang bansa, lalo na sa mga bansang sumuporta sa resolusyon ng Iceland kontra war on drugs ng gobyerno.
Sinabi ni Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo na hindi naman kasi maaapektuhan ng kautusang ito ng pangulo ang mga kasalukuyang loans at grants na ipinatutupad na.
Sa katunayan, sa labing walong mga bansang signatories sa draft resolution ng Iceland, tanging ang united kingdom lamang aniya ang mayroong alok na 21 milyong euros na grants sa Pilipinas.
Ayon kay Panelo, walang bigat ito kumpara sa iba pang mas magagandang mga alok ng iba pang bilateral partner countries na nasa labas ng United Nations.
Sa ngayon, sinabi ni Panelo na ginarantiyahan ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na lahat naman ng proposed engagements ay pawang mga technical assistance grants at hindi labis na makalalatay sa ekonomiya ng bansa.