Inaprubahan ngayon ng Senado ang Senate Resolution number 502 na humihiling kay Pangulong Rodrigo Duterte na suspendehin ang liderato at mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na sangkot sa katiwalian.
Nakasaad sa resolusyon na sagabal din ang mga ito sa imbestigasyon na isinasagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) at pag-audit ng Commission on Audit (COA).
Ang resolusyon ay inihain ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at sinuportahan ng mga Senador.
Hakbang ito ni Zubiri makaraang lumabas sa pagdinig ng Senado na hindi nakikipagtulungan ang PhilHealth officials sa NBI at COA sa pamamagitan ng hindi pagbibigay ng kinakailangan nilang dokumento.
Ikinatwiran pa sa resolusyon ang posibilidad na sirain, itago, dokturin o manipulahin ng nabanggit na mga opisyal ang mahalagang records at mahalagang mga papeles sa PhilHealth.