Hindi lang kawalan sa Pilipinas, kundi kawalan din sa Estados Unidos kapag ipinasa ng US Congress ang panukalang batas na nagpapasuspinde sa pinagkakaloob na security assistance sa ating bansa dahil sa isyu ng umano’y paglabag sa karapatang pantao.
Ito ang inihayag ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na siyang Chairman ng Committee on National Defense and Security.
Binigyang diin ni Lacson na ang malaking bahagi ng security assistance na ipinagkakaloob ng Amerika sa Pilipinas ay ginagamit sa paglaban sa terorismo na walang kinikilalang timing at limitasyon.
Sinabi pa ni Lacson na bagama’t karapatan ng mga miyembro ng US Congress na magsumite ng kahit na anong panukalang batas ay dapat nilang ikonsidera sa deliberasyon ang posibleng isyung legal o implikasyon sa pagpasa ng naturang panukala.
Ayon kay Lacson, dapat ding ikonsidera sa kanilang deliberasyon ang umiiral na RP-US Visiting Forces Agreement o VFA na niratipikahan noong 1999.