Idinulog ni Senator JV Ejercito kay Pangulong Bongbong Marcos ang proposal na suspendihin ang 5 percent na premium rate hike sa PhilHealth ngayong taon dahil sa isinusulong na panukalang amyenda sa Universal Healthcare Law.
Ayon kay Ejercito, nagkaroon siya ng pagkakataon na makausap si Pangulong Marcos sa Malakanyang nitong Lunes matapos lagdaan ang dalawang batas at dito ay ibinahagi niya na ang ginawang dagdag sa premium contribution ay nakabase sa figures at pag-aaral noong pre-pandemic days kung saan iba pa ang sitwasyon.
Nakiusap ang senador na pansamantalang suspendihin ang premium rate hike habang hinihintay ang amyenda sa Universal Health Care Law kung saan nakapaloob dito ang adjustment sa premium rates upang mabigyan muna ng pagkakataon ang mga kababayan na makabangon mula pa rin sa epekto ng pandemya.
Ipinaliwanag din niya sa pangulo na kahit hindi muna ituloy ang premium rate hike ay nag-level up o tumaas na ang mga packages na nakapaloob sa PhilHealth at hindi ito maaapektuhan ng suspensyon.
Umaasa si Ejercito na magkakasundo agad ang dalawang kapulungan ng Kongreso upang hindi na mabigatan pa ang contributors.