Ikinokonsidera ni Presidential Aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagsuspinde ng Rice Tariffication Law sakaling manalo sa 2022 Election.
Ayon kay Marcos, hindi na napapanatili ng financial position ng bansa ang tuloy-tuloy at malawakang pag-aangat ng mga pangunahing bilihin.
Aniya, ang RTL na pinagtibay noong 2019 na layuning mapababa ang presyo ng bigas sa bansa sa pamamagitan ng pagtanggal ng quantitative limits sa rice trading ay may negatibong epekto sa mga magsasaka.
Sa ilalim kasi aniya ng RTL ay nagkakaroon ng hindi bababa sa 35% na taripa sa pag-aangkat ng bigas na nakakaapekto sa kita ng mga lokal na magsasaka.
Dahil dito, ilang magsasaka aniya ang napipilitan na iwan ang kanilang taniman na nagreresulta sa pagbabawas ng produksyon.
Giit ni Marcos na bagama’t may magandang intensyon ang RTL, mayroon naman itong mga hindi inaasahang kapalit.