Muling nanawagan si Senator Grace Poe sa malakanyang, partikular sa Department of Finance na suspendihin muna ang pagpapataw ng excise tax sa petrolyo.
Sabi ni Poe, mainam itong gawin hanggang maging normal ang suplay at presyo ng petrolyo sa pandaigdigang pamilihan.
Sang-ayon si Poe na totoong malaki ang mawawalang kita ng gobyerno kapag sinuspinde ang excise tax.
Diin ni Poe, malaki rin ang mawawala sa ekonomiya at maari ring maparalisa ang operasyon ng iba’t ibang sektor kapag nagkaroon ng transport strike dahil hirap na ang mga pampublikong drivers at operators sa patuloy na oil at petroleum price increase.
Giit naman ni Senator Koko Pimentel, kailangang ikunsidera ng pamahalaan ang pagsuspinde sa excise tax at ang Value Added Tax (VAT) na ipinapataw sa petrolyo.
Katwiran ni Pimentel, apektado ang lahat ng sektor, pangunahin ang ang mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan at ang mga commuter dahil sa mataas na presyo ng petrolyo.
Binanggit ni Pimentel na dagdag pasakit pa ang mabagal na pamamahagi ng gobyerno ng fuel subsidy.