Tuguegarao City, Cagayan – Pinalawig ang pagtanggap ng mga gagawing iskolar sa kolehiyo para sa taong 2018-2019.
Sa ipinadalang impormasyon ng SM Tuguegarao Downtown, ang College Scholarship Program ng SM Foundation Inc ay iniabante ang deadline ng aplikasyon ng mga nais sumailalim sa programa.
Ang SM College Scholarship Program ay nakatakdang magbigay ng mas mainam na oportunidad sa mga mahihirap ngunit may kakayahang mga estudyante.
Ayon sa impormasyon mula kay Princess Lauigan, ang Public Relations Officer ng SM Tuguegarao Downtown, ang scholarship ay ayon sa kaisipan ni Ginoong Henry Sy Sr sa pagpapadala ng isang bata mula sa isang mahirap na pamilya sa kolehiyo.
Dahil dito ay ipinapaabot ng kanilang tanggapan sa sinumang kuwalipikado na nasa ika-apat na taon sa pampubliko at pampribadong eskuwelahan sa lalawigan ng Cagayan na sumailalim sa oportunidad na ito.
Nakatakda ang petsa ng examinasyon sa Pebrero 12, 2018 alas diyes ng umaga sa SM Center Tuguegarao Downtown.
Isusunod agad ang interview kinahapunan sa mga pumasa sa pagsusulit.
Ang mga papasa ay mamimili ng kanilang nais na kurso sa larangan ng accounting, information technology, engineering at education.
Tatanggap ng full tuition, monthly allowance, part-time na trabaho sa panahon ng semestral at Christmas breaks at oportunidad para makatrabaho sa SM Group pagka graduate sa kanilang kukuning kurso.